Binigla ng independent oil player na UniOil Philippines ang iba pang oil company matapos na magdeklara ito ng P1.50 rollback kada litro sa presyo ng kanilang gasolina at kerosene.
Dakong alas-2 ng madaling-araw kahapon nang ideklara ng kompanya ang rollback matapos umanong mag-stabilized ang presyo ng gasoline sa pambansang pamilihan.
Gayunman nilinaw ng UniOil na tanging ang dalawang produkto lamang ang kasama sa rollback habang ang diesel at liquefied petroleum gas ay mananatili sa dating presyo.
Siniguro rin ni UniOil general manager Luisito Medina-Cue na hindi magtataas ng presyo ng kanilang produktong petrolyo ang kanilang kompanya sa susunod na weekend.
Noong nakalipas na weekends ay kabilang ang UniOil sa mga kompanya ng langis na nagtaas ng P3 kada litro sa presyo ng diesel na isa sa pinakamataas sa kasaysayan.
Nakatakda namang mag-rollback din ang mga major players. Tiwala naman si Energy Secretary Angelo Reyes na ibababa ng mga kompanya ng langis ang presyo ng petrolyo sa bansa dahil sa patuloy na pagbagsak ng presyo ng krudo. (Edwin Balasa at Rose Tamayo-Tesoro)