Hindi umubra ang pagiging kilabot ng isang holdaper sa biniktima nitong policewoman na eksperto sa martial arts kahapon ng umaga sa Pasay City.
Bago naaresto ay nakatikim muna ng karate ang suspek na si Rolando Gatchalian, 40, ng Bo. Sto. Niño St., Pasay City mula sa biktima nitong si PO1 Perlita Garcia, 25, nakatalaga sa Regional Special Action Unit ng National Capital Region Police Office.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-8:45 kahapon ng umaga nang mangyari ang nasabing insidente sa panulukan ng EDSA at Sgt. Mariano St., Pasay City.
Nag-aabang ng masasakyan ang biktima sa naturang lugar nang biglang lapitan ng suspek na armado ng cutter at hinawakan ang kanyang kaliwang braso.
Habang hawak ang braso, biglang itinutok ng suspek ang cutter sa leeg ng pulis at agad na pinitas nito ang suot na 18 karat gold na kuwintas ng huli.
Sa pagpupumiglas ay nasugatan sa leeg ang biktima habang ang suspek ay agad namang matuling tumakbo papalayo dala ang kuwintas na ninakaw sa una. Hindi naman nawalann ng loob ang biktima na agad na nagsisigaw sa paghingi ng tulong na agad namang nakakuha ng atensiyon sa mga commuters na tumulong sa una upang habulin ang suspek.
Makaraan ang ilang minutong umaatikabong habulan ay nasukol din ng biktima at mga bystanders ang suspek at dala na rin sa labis na galit ay buong gigil na pinatikim muna ng una ng karate ang huli bago pinilipit ang mga kamay at bawiin ang kanyang kwintas.
Halos hindi naman makagulapay dahil sa tinamong bugbog ang suspek nang personal na bitbitin ito ng biktima sa tanggapan ng pulisya at ipakulong. (Rose Tamayo-Tesoro)