Gang war: 1 todas, 1 sugatan
Nasawi ang isang 17- anyos na lalaki, samantalang nasugatan naman ang kasama nito matapos silang barilin ng isang grupo ng kalalakihan na naka-enkuwentro nila kahapon ng umaga sa Pandacan, Maynila.
Hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Maynila sanhi ng tama ng bala ng sumpak sa leeg ang biktimang si Daryll Lagatic, out-of-school-youth, ng Panda can, Maynila, habang ginagamot din sa nasabing ospital ang kaibigan nitong si John Mark Abujen, 18, residente rin ng nasabing lugar dahil sa sugat sa binti.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang mga itinuturong suspek na nakilalang sina Joemel Rentoria, isang alias Joey at Ewad na tumakas matapos ang pamamaril.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong ala-1 ng madaling- araw nang naganap ang pamamaril sa harapan ng bahay ng biktima. Kasalukuyan umanong nagkukuwentuhan ang biktima at kaibigan nitong si Abujen nang dumating ang mga suspek at walang sabi-sabing pinaulanan sila ng mga bato at molotov bomb. Sinundan pa ito ng pamamaril ng sumpak ni Ewad kung saan tinamaan ang dalawa.
Nabatid na nag-ugat ang awayan ng magkabilang grupo noong araw ng Miyerkules kung saan binati umano ng grupo ng biktima si Rentoria habang naglalakad itong may kasamang kaibigan na babae at biniro. Ipinalagay umano ng suspek na binastos ang kaibigan nitong babae kaya nagtanim ito ng galit hanggang sa magtagpo ang grupo ng una at hinamon ng away ang grupo ng biktima.
Subalit naawat lamang sila ng isang Ronaldo Abujen, brgy tanod ng Brgy 849 Zone 93 District 6 dakong alas-11 kamakalawa ng gabi hanggang sa muling rumesbak ang grupo ng suspek dakong ala-1 kahapon ng madaling araw na naging sanhi ng kamatayan ni Lagatic. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending