Hepe ng RDPSTM ng Caloocan sinagasaan, patay
Patay ang hepe ng Reformed Department of Public Safety and Traffic Management (RDPSTM), North Extension Office ng Caloocan City hall nang sagasaan ito ng isang van habang nagsasagawa ng clearing operation laban sa mga kolorum na mga sasakyan kahapon ng umaga sa nabanggit na lungsod.
Patay na nang idating sa Bernardino Hospital ang biktimang si Dr. Eufemio Reynoso Sr., ret. Army Major, isa ring dentista, residente ng North Olympus Subd., Caloocan City, nagtamo ito ng grabeng pinsala sa ulo at katawan.
Pinaghahanap naman ng Caloocan City Police ang suspek na si Eulogio Arellano, dating bodyguard ng isang pulitiko na naninirahan sa #203 St. Pauline Subd., Deparo Road, Caloocan City.
Sa paunang impormasyong nakalap mula kay Supt. Jose Ramirez Valencia, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Caloocan City Police, dakong alas-9:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Deparo Road malapit sa Deparo Church ng nasabing lungsod.
Nabatid, nagsagawa ng clearing operation laban sa mga kolorum na sasakyan ang biktima kasama ang ilan nitong mga tauhan sa naturang lugar nang biglang dumating si Arellano, na minamaneho ang isang asul na Besta Van, na may plakang WHU-762. Walang sabi-sabing sinagasaan ng suspek ang biktimang si Reynoso, dahilan upang tumilapon ito ng ilang metro ang layo. Iniwan ng suspect ang sasakyan at saka mabilis na tumakas.
Mabilis na isinugod sa pagamutan ang biktima, ngunit hindi na umabot ng buhay. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending