Naaresto na ang dalawa sa limang miyembro ng “Lahay-Lahay at Colanco Robbery Group” na sinasabing kapwa mga responsable sa naganap na P4 milyon armored van robbery noong nakaraang Biyernes sa Market! Market! Place, Fort Bonifacio sa Taguig City.
Batay sa ulat ng pulisya, ang mga suspect na sina Romeo Baluran at Nestor Mutia ay unang naaresto kabilang ang lima pa katao sa paglabag sa City Ordinance No. 36, Series of 2008, Paragraph 14, o pag-inom ng alak sa pampublikong lugar noong Linggo ng gabi.
Ayon naman sa pahayag ng Public Information Office (PIO) ng Taguig City, kahapon lamang napag-alaman ng pulisya na sina Baluran at Mutia pala ay sangkot sa nasabing armored van robbery nang kilalanin ang mga ito ng ilang testigo.
Kabilang sa mga positibo ring kumilala sa mga suspect ay ang security guard on duty na si Gerry Singson at isa pang testigo na si Krystyl Navarro.
Ayon sa pahayag ng mga testigo, sina Baluran at Mutia ay kasama umano ng mga suspect na sumakay sa Tamaraw FX matapos na limasin ng mga ito ang pera sa loob ng armored van.
Kinasuhan na nila kahapon ng robbery at serious physical injuries sina Baluran at Mutia bukod pa sa paglabag sa nasabing ordinansa. (Rose Tamayo-Tesoro)