Mayor Lim, et al, pagpapaliwanagin ng CHR
Ipatatawag ng Commission on Human Rights (CHR) sina Manila Mayor Alfredo Lim, ilan pang opisyal ng Manila City hall, mga opisyal ng pulis upang mabigyan ng patas na imbestigasyon ang isyu hinggil sa isinagawang take over sa Vitas slaughter house sa Tondo noong Hulyo 11.
Kaugnay nito, nilinaw ni CHR Chairperson Leila de Lima, hindi nila pakikialaman ang legal na isyu ng pag-okupa sa Dealco farms, Inc. sa Vitas slaughterhouse sa Tondo, kundi ang aspeto lamang ng karapatang pantao dahil ang dignidad ang kailangang proteksyunan ng komisyon at hindi ang kung anupaman. Salig anya ito sa mandatong ibinigay ng konstitusyon sa komisyon kung saan marapat na bigyan ng proteksyon ang karapatang pantao ang kahit sinumang indibidwal.
Sa iprinisintang mga ebidensiya ng Dealco farms Inc sa komisyon partikular ang mga larawan ng mga opisyal at kawani ng kompanya na binitbit na parang mga hayop ng ilang mga pulis-Maynila at mga opisyal ng Manila City hall, sinabi ni de Lima na hindi nagsisinungaling ang mga imahe sa larawan.
Kung mayroon man aniyang kaso laban sa Dealco Farms na isinampa ang lunsod ng Maynila o vice versa, hindi ito panghihimasukan ng CHR. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending