Brgy. tanod, niresbakan, patay

Patay agad ang isang barangay tanod matapos itong saksakin ng basag na bote nang ito ay resbakan ng isang menor-de-edad na umano’y malimit patikimin ng pambu­bugbog ng una, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.  Nakilala ang nasawing biktima na si Jimmy Tolentino, 36,  ng Brgy. Tañong ng nabanggit na lungsod. 

Kasalu­kuyan namang nakapiit sa detention cell ng Malabon City Police ang suspect na si Anthony de Jose, 17, out- of-school-youth at kapitbahay ng biktima. Base sa ulat,  dakong alas-9:55 ng gabi nang mangyari ang nasabing insidente ilang kanto lamang ang layo mula sa bahay ng biktima. 

Bago umano ang insidente ay malimit uma­nong bugbugin ng biktima ang suspect dahil sa pagiging umano’y “pasaway” nito sa kanilang lugar dahilan upang magtanim ng galit ang binatilyo sa nasawi. 

Ayon pa sa ulat ng pulisya, nagkasulubong ng landas ang biktima at suspect na noon ay kapwa nakainom  ng alak at nang makasilip ng pagkakataon ang huli ay agad itong kumuha ng isang basag na bote at mabilis na tinarakan sa dibdib ang una. 

Matapos ito, mabilis na tumakas ang suspect ngunit agad din itong naaresto ng mga rumespondeng pulis, habang ang biktima naman ay isinugod sa nabang­git na pagamutan ngunit minalas na hindi na ito umabot pa ng buhay. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments