P10 pasahe sa jeep, ihihirit
Hindi pa man tuluyang na sisimulan ang implementasyon nationwide ng taas pasahe na P8.50 minimum fare sa mga pampasaherong jeep, ikakasa na ng militanteng transport group na Pinagisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang P10 minimum fare sa mga passenger jeepney nationwide.
Ayon kay Piston Secretary General George San Mateo, ito ay mangangahulugan ng P1.50 taas pasahe ang kanilang hihingin sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) bilang dagdag sa kasalukuyang P8.50 minimum fare sa jeep.
Sinabi ni San Mateo na ang hakbang ay bunsod ng isa na namang pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo nitong Sabado, Hulyo 19 kung saan umaabot sa P3 ang itinaas sa halaga ng diesel kada litro, P1 sa gasolina kada litro at P1.50 naman ang itinaas sa kerosene.
Anya sa kabuuan mula Enero hanggang Hulyo 19, umaabot na sa P22 ang itinaas sa halaga ng diesel at P16. 50 naman sa gasolina.
Bunsod nito, plano ng kanilang grupo na maglunsad ng isang malawakan at malakihang pagkilos laban sa pamahalaan upang ihirit sa Malakanyang na mabigyang daan na maibaba sa P7 ang halaga ng diesel at maibaba ng P7.68 ang halaga ng gasolina, suspindehin ang oil deregulation law, magkaroon ng moratorium sa pagtataas sa halaga ng mga produktong petrolyo.
Kung hindi anya magagawan ng paraan ito ng pamahalaan, mawawalang saysay lamang ang P 8.50 minimum pasahe na ipinagkaloob noong isang linggo ng LTFRB.
Una rito, inulat ng think tank Ibon Foundation na umaabot na sa P12 kada litro ang overprice sa presyo ng langis sa bansa.
- Latest
- Trending