Binalaan ng Manila Police District (MPD) ang publiko laban sa umano’y gumagalang dalawang lalaki na umano’y dumudukot sa mga estudyante habang sakay ng isang kulay itim na van para kunin ang kanilang kidney upang ibenta. Ang babala ng MPD-General Assignment Section (GAS) ay kasunod ng report ng dalawang estudyante ng Adamson University (AdU), isa dito ay residente ng Gomez St. Paco, Manila, habang ang isa pa ay mula sa Kahilum, Pandacan Manla ang dumulog sa kanilang tanggapan matapos na umano’y makaligtas sa kamay ng dalawang hinihinalang kidnappers na nakasuot ng bonnet.
Batay sa naging imbestigasyon, naganap ang umano’y pagdukot sa dalawa noong Huwebes dakong alas-4 ng hapon sa underpass sa harapan ng Manila City Hall, Arroceros, Ermita Manila. Bigla na lamang umanong tumigil sa harapan ng mga biktima ang kulay itim na van bago sila tutukan at puwersahang isakay.
Ayon sa isang biktima na si Teresa na nang ipasok ito sa loob ng van ay nadiskubre niyang may tatlo pang biktima kung saan isa ang babae at dalawa ay lalaki. Ngunit nakakita lamang umano ng pagkakataon ang mga biktima pagsapit sa harapan ng Old Senate Bldg. sa kanto ng Ayala Blvd. at Taft Ave., kung kaya’t nagsitalon ang mga ito sa bintana ng van nang mabillis nila itong nabuksan. Kahapon ay nagreport ang dalawa sa MPD-GAS matapos na naikuwento ni Teresa sa loob ng campus kung saan nakausap din nito ang isa pang estudyante na nakaranas din ng nasabing insidente. (Grace dela Cruz)