Sa layuning mapalakas pa ang paglaban sa kriminalidad sa lungsod, may 100 bagong baril ang ipinamahagi ng Quezon City government sa Quezon City Police District (QCPD) para maarmasan ang lahat ng tauhan ng pulisya.
Nabatid na umaabot sa P3 milyong pondo ang inilaan ni Mayor Feliciano Belmonte para sa pagbili ng 100 Glock 22 calibre 40 Smith and Wesson handguns na ipamamahagi sa QCPD District Mobile Force na binubuo ng Special Weapons and Tactics Unit (SWAT), Bomb Squad, at Mobile Anti-Street Crime Operatives.
Inaasahan naman ni Belmonte na sa pamamagitan ng mga bagong armas, tataas ang kapabilidad ng pulisya lalo na upang malabanan ang mga krimen at maisaayos ang kapayapaan sa lungsod.
Una nang nagbigay din ng 50 shotguns at 275 na kalibre 9mm pistol ang pamahalaang lungsod sa pulisya nitong mga nakaraang buwan.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa P129.5 milyong halaga ng patrol vehicles, communications gadgets, baril, bala, accessories, armored vests at bomb suits ang naibigay ng Quezon City government sa QCPD magmula noong 2001.
Sinuklian naman ito ng QCPD matapos na makabilang sa Top 10 model police stations sa buong bansa base na inihayag ng United States Department of Justice.
Pinasalamatan naman ni QCPD Director Sr. Supt. Magtanggol Gatdula si Belmonte sa suporta nito sa kapulisan habang pinaalalahanan ang kanyang mga tauhan na paghusayan at magkaroon pa ng dagdag na dedikasyon sa pagtupad ng kanilang tungkulin. (Danilo Garcia)