Daan-daang residente ng isang barangay sa Pasig City ang nakaramdam na pagkahilo at pagsusuka, habang ang iba naman ay kinakailangang dalhin sa pagamutan partikular ang mga bata makaraang ma kalanghap ng mabahong amoy mula sa isang kemikal na ipinaanod sa ilog kamakalawa ng hatinggabi sa Brgy. Rosario ng lungsod na ito.
Ayon sa mga residente ng tabing-ilog sa Westbank, Floodway Brgy. Rosario, pasado alas-12 ng hatinggabi nang animo’y sinusunog na gulong o kaya ay aluminum na tinutunaw ang gumising sa mahimbing nilang pagkakatulog dahilan ng pagsisikip ng kanilang dibdib at hindi na makahinga. Dahil sa insidente ay halos nagkandasuka at nangahilo ang daan-daang mga residente ng Westbank, Brgy. Rosario na lalo umanong tumindi ang amoy habang tumatagal kung kaya karamihan sa mga residente ay nagsigisingan at nilisan ang kanilang lugar habang ang ibang mga bata ay isinugod na sa mga pagamutan upang mabigyan ng paunang lunas.
Ang pangyayari ay nagdulot ng kaguluhan sa mga residente kaya agad na sumaklolo ang Pasig rescue team at inilikas ang mga residente sa nasabing lugar. Teorya ng mga residente, nagpaanod ng kemikal ang isa sa mga pabrika sa ilog matapos samantalahin ng pamunuan nito ang malakas na buhos ng ulan ng bagyong Helen. (Edwin balasa)