Seguridad sa mga kompanya ng langis hinigpitan
Hinigpitan ng pulisya ang seguridad sa mga bisinidad ng mga kompanya ng langis matapos ang dalawang sunod na ginawang kilos protesta ng mga militanteng estudyante laban sa oil price hike.
Ang mahigpit na pagbabantay sa mga kompanya ng Pilipinas Shell, Petron at Chevron (Caltex) sa lungsod ng Makati ay ginawa ng Makati police matapos ang dalawang sunod na kilos protestang ginawa ng mga militanteng grupo kung saan sinabuyan ng mga ito ng grasa na nakalagay sa plastic ang gusali ng mga higanteng oil companies.
Dahil dito, 24-oras ng magpapatrolya ang mga mobile unit ng Makati police sa mga tanggapan ng kompanya ng langis simula ngayong araw upang hindi na masundan pang muli ang dalawang sunod na kaguluhang naganap sa pagitan ng mga welgista at mga militante.
Matatandaang matapos na magsunud-sunod ang oil price hike ay nagbanta ang mga militanteng grupo na kakalampagin nila ang mga kompanya ng langis hanggang hindi nila ibinababa ang presyo ng produktong petrolyo. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending