Patuloy na nagbabanta ang bagyong Helen sa Luzon.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), ganap na alas-11 ng umaga, si Helen ay namataan sa layong 360 km. ng silangan ng Basco, Batanes. Ang naturang bagyo ay lalong lumalakas dahil sa epekto dito ng southwest monsoon na siyang nagdadala ng matitinding pag-uulan sa buong Luzon, partikular sa Metro Manila. Taglay ni Helen ang lakas ng hanging 55 km. bawat oras malapit sa gitna.
Ngayong Martes, si Helen ay inaasahang nasa layong 280 km. ng silangan ng Basco, Batanes at nasa layong 190 km. silangan ng Basco, Batanes sa Miyerkules. Pinapayuhan naman ng Pag Asa ang mga residenteng nakatira sa Luzon partikular sa Batanes area na doblehin ang pag-iingat upang makaiwas sa anumang peligrong dala ng bagyong Helen. (Angie dela Cruz)