Nagkaroon muli ng tensiyon sa pagitan ng mga militanteng grupo, ilang miyembro ng kapulisan at mga security guards makaraang lusubin ng mga una ang punong-tanggapan ng Shell Philippines at sabuyan ito ng pintura, kahapon ng umaga sa Makati City.
Batay sa ulat, alas-7:30 ng umaga nang magawang malusutan ng mga militanteng grupo ang hanay ng mga kapulisan na nagbabantay sa harapan ng Shell sa Valero St., nabanggit na lungsod. Ayon sa grupo, ito lamang umano ang tanging paraan para ipakita at iparamdam nila sa mga higanteng kompanya ng langis sa bansa ang matindi nilang pagtuligsa at pag-protesta sa walang humpay na pagpataw ng mga ito ng taas-presyo sa kada-litro ng langis.
Agad namang nanumbalik sa normal na kalakaran ng mga negosyo sa lugar ilang oras mata pos na magawang mapayapa ng mga pulis at tuluyang maitaboy ang mga nag-alburutong mga militante. Samantala, bunga naman ng nasabing insidente ay mas lalo pang hinigpitan ang seguridad sa punong-tanggapan ng Petron Corp sa Buendia Avenue, Makati City. (Rose Tamayo-Tesoro)