Arestado ang dalawang holdaper na pumasok sa isang KTV bar at tumangay ng cellphone at salapi ng nag-iisang customer nito sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling‑araw.
Kinilala ni Manila Police District-Station 1 Chief P/Supt. Rolando Miranda ang mga suspek na sina Erick Labayog, 23, may asawa, walang trabaho, residente ng Chesa St., Tondo, at Alexander Paredes, 17, binata, walang trabaho, ng Upper Bicutan, Taguig City.
Inireklamo ng biktimang si Mario Camigao, may asawa, ng Tondo na dakong alas-3 ng madaling-araw nang tabihan siya ng mga suspek sa kanyang lamesa sa Sanudar KTV Bar, sa Road 10 at Chesa St., Tondo. Pasimpleng tinutukan siya ng patalim sabay hingi sa kanyang Nokia cellphone 2626 na nagkakahalaga ng P6,000.
Mabilis na umalis ang dalawang suspek nang hindi man lamang umano nakahingi ng saklolo ang biktima dahil nag-iisa lamang siya sa loob ng bar.
Nang idulog sa MPD-Station 1, agad isinagawa ang follow-up operation at nadakip sa hindi kalayuan ang dalawa na umano’y nanggaling sa kanilang pinagbentahan sa cellphone. (Ludy Bermudo)