Dinisarmahan at tinanggal na sa kanilang mga puwesto ang apat na pulis na isinasangkot sa pambubugbog at pagkamatay ng isang bading sa Pasay City.
Kinilala kahapon ni Pasay City Police Chief Supt. Marieto Valerio ang mga tinanggal niya na sina SPO1 Claro Ventura, SPO1 Merle Guevarra, SPO3 Joselito Lopez at PO2 Richmond Tobio na pawang mga tauhan ng Pasay City Police Special Operation Unit.
Ang apat na pulis ang itinuturong nambugbog sa biktimang si Raul Ortega, 23, helper, ng 204 Santos Village, Las Piñas City, na naging dahilan ng pagkamatay nito.
Kinumpirma ni Valerio na, lumalabas sa imbestigasyon, na sinuntok ni Lopez sa dibdib si Ortega na naging dahilan ng pagkamatay nito habang pinapanood sila nina Guevarra, Ventura at Tobio.
Nabatid na inatake sa puso at namatay si Ortega matapos bugbugin. Kabilang si Ortega sa anim na baklang naunang inaresto ng pulisya dahil sa pagsasagawa ng mahalay na aktibidad sa madilim na bahagi ng Roxas Blvd. sa Pasay City kamakailan. (Rose Tamayo-Tesoro)