Walang fare hike sa MRT hanggang 2009

Tiniyak kahapon ng Department of Transportation and Com­munications (DOTC) na walang magaganap na pagtaas na pasahe sa Metro Rail Transit hanggang sa matapos ang taong 2009.

Ayon kay DOTC Undersecretary Guiling Mamondiong, ibina­sura na nila ang petisyon ng MRTA na dagdag pasahe dahil sa wala  umanong batayan na nalulugi ito at kinakailangang humingi ng karagdagang pasahe.

“We found no merit for MRTA’s petition for fare hike,” pahayag ni Usec. Mamondiong.

Ayon kay Mamondiong, nauna ng humiling ang MRTA na dag­dagan ng P7.50 hanggang P10 ang pasahe sa kanilang biyahe sa kahabaan ng EDSA. Dagdag pa ni Mamondiong na hindi malulugi ang pamunuan ng MRT dahil sa dami ng pasahero nito lalo na ngayong mataas ang gasolina at marami na ang suma­sakay sa tren gayundin, nagtaas na rin ang pasahe sa mga bus kaya lalong dumami ang pasahero sa MRT.

Base na rin sa pahayag ng MRT  kahapon, noong nakaraang linggo ay nakapagtala ng mahigit sa 533,000 pasahero sa isang araw na biyahe ang MRT, lagpas ng mahigit sa 150,000 pasahero sa kapasidad nitong 350,000 pasahero kada araw.

Samantala, dahil sa dumaming bilang ng mga pasahero ng MRT  na epekto ng pagtaas ng halaga ng gasolina, mas maaga na ng 30 minuto ang operasyon ng ahensiya mula sa darating na Lunes, Hulyo 14.

Ayon kay MRT general manager Roberto Lastimoso, mula sa dating operasyon ng tren na alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi, magsisimula na ito ng alas-6:30 ng umaga  para mag­serbisyo sa mga pasahero at hanggang alas-9:30 ng gabi naman ang huling biyahe ng tren.  “Kung peak hours, may 20 trains at three-minute headway. Kung non-peak, may 15 trains at five-minute headway,” pahayag ni Lastimoso.

Kaugnay nito, nanawagan si  Lastimoso  sa  National Economic  Development Authority (NEDA)  na bigyan na sila ng dagdag na tren upang mapunan ang pangangailangan ng lumalaking bilang ng pasahero nito. Ang  MRTA anya ay nangangailangan ng 73 “emergency relief” coaches pero mas pinamamadali nila kahit  inisyal na  30 muna. (Edwin Balasa at Angie dela Cruz)

Show comments