Ex-Vice Mayor, 3 pa timbog sa kidnap
Nalutas na ng mga operatiba ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) ang brutal na pagdukot at pagpatay sa isang mayamang negosyante at driver nito kasunod ng pagkakaaresto sa mastermind na dating bise alkalde, tatlo pang mga kidnappers sa serye ng operasyon sa lalawigan ng Cavite.
Sa ginanap na press briefing kahapon sa Camp Crame, iniharap nina PNP Directorate for Administration Deputy Director General Jesus Verzosa, PACER Chief Sr. Supt. Leonardo Espina at PNP-Special Action Force (PNP-SAF) Chief P/Chief Leo cadio Santiago sa mediamen ang mga nasakoteng suspect.
Kinilala ng mga opisyal ang mga suspect na sina ex-Dasmariñas, Cavite Vice Mayor Victor Carungcong, 50, ang itinuturong mastermind sa krimen; mga binayaran nitong kidnappers na nakilalang sina Chief Inspector Exequiel Cautiver, 38, training director ng SAF School sa Sta. Rosa, Laguna ; Alejandro Entolizo Jr., 52 Brgy. Tanod at Gary Pateo, 36, pedicab driver; pawang ng Bonifacio St., Bangkal, Makati City.
Sinabi ni Verzosa na si Carungcong ang natukoy na mastermind sa pagdukot at pagpatay sa bayaw nitong negosyanteng kinilalang si Demosthenes Cañete, 67, isang retiradong piloto kung saan pinaslang rin ang driver nitong si Allan Garay, 27, noong nakalipas na Hunyo 27 ng taong ito sa bayan ng Dasmariñas, Cavite.
Lumilitaw namang alitan sa negosyo ang motibo ng krimen dahil sa nais ni Carungcong na angkinin ang negosyo ng pamilya na Emission Testing Center sa ilalim ng Land Transportation Office (LTO) at Drug Diagnostic Center na nakabase sa Brgy. Sabang, Dasmariñas, Cavite.
Nasamsam rin sa mga suspect ang 68 piraso ng sari-saring mga armas, bala at iba pang mga parte ng baril sa raid sa bahay ng isa pang suspect na si Mariano de Leon Jr., alyas Spider sa Bayan Luma, Imus, Cavite. Hindi naman nasakote si Spider sa nasabing operasyon habang patuloy pa rin ang pagtugis sa isa pa na si PO1 Dondon Abogado.
Ayon kay Espina, matapos na dukutin ang mga biktima ay nakatanggap ng tawag sa telepono ang misis ni Cañete mula sa isang mysterious caller na nagpakilalang mga kidnappers na humihingi ng P20-M ransom kapalit ng kalayaan ng mga biktima.
Lumilitaw naman na pinaslang na ng mga suspect si Cañete na narekober ang bangkay noong Hulyo 1 sa Porac Megadike area sa Pampanga pero humingi pa rin ng ransom ang mga suspect noong Hulyo 4 na naibaba sa P973,000 kung saan ang payoff ay isinagawa sa Malibay, Pasay City dakong alas-4:30 ng madaling-araw.
- Latest
- Trending