Nasa malubhang kalagayan ang dalawang security guard makaraang manlaban ang mga ito sa isang grupo ng mga holdaper na armado ng matataas na kalibre ng baril at tumangay ng isang armored van na naglalaman ng may P3 milyon kahapon ng umaga sa Market Market sa Taguig City.
Kasalukuyang inoobserbahan sa Ospital ng Makati ang mga biktimang sina Rene Boy Pader, 24, nagtamo ng tama ng bala sa dibdib, mula Audacious Security Agency at residente ng 59 East Rembo, Makati City, at Samuel Cacho 39, drayber ng armored van na tinangay ng mga suspek na nagtamo naman ng bala sa likurang bahagi ng katawan.
Ayon kay Supt. Alfredo Corpus, hepe ng Taguig police, naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng umaga sa Market Market, Global City nang iparada ang isang armored van na may body number na 0250 upang ilagay sana ang dalang P3 milyon cash sa Automated Teller Machine (ATM) sa sangay ng China Bank.
Nabatid na pagkababa ng teller na nakilalang si Tim Alvarez sa armored van ay bigla na lang sumulpot ang isang Silver na Mitsubishi Pajero na may plakang ULJ-698 lulan ang mga suspek na armado ng matataas na kalibre ng baril at isa sa mga ito ay agad na pinagbabaril ang drayber na si Cacho.
Nagtangka namang lumaban ang guwardiya ng Market Market na si Pader at nakipagpalitan ng putok sa mga holdaper subalit dahil sa dami ng mga ito ay sinawing palad na tamaan din ang sekyu. Matapos ang barilan ay lumipat ang ibang suspek sa armored van at tinangay ito palayo sa lugar kasama ang nasabing halaga ng pera.
Agad namang rumesponde ang pulisya subalit hindi na nila naabutan pa ang mga suspek at ma kalipas ang ilang minuto ay natagpuan ang tinangay na armored van sa kahabaan ng Kalayaan Avenue sa Makati City subalit wala na doon ang pera.
Base sa pahayag ng mga saksi mukhang planado ang nasabing panghoholdap dahil wala pa ang armored van sa lugar ay nauna ng pumarada doon ang sasakyan ng mga suspek at organisado ang mga ito dahil wala pang limang minuto ay agad naisakatuparan ang pag-agaw sa van na may dalang pera. Nakuha sa lugar ng insidente ang mga basyong bala ng armalite na gamit ng mga suspek sa kanilang operasyon. (Edwin Balasa)