^

Metro

News blackout sa PUP gang rape, hirit

- Ni Grace Amargo-Dela Cruz -

Pinahihinto ng abogado ng mga suspek  sa naganap na gang-rape ng 16-anyos na estudyante ng Polytechnic University of the Philip­pines (PUP) ang  pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa pagpapalabas ng anumang impormasyon kaugnay sa insi­dente.

Sa liham na ipinadala ni Atty. Melanio “Batas” Mauricio Jr., kay MPD Director General Roberto Rosales, hiniling nito na pahintuin ang pulisya sa pagbibigay ng anumang impormasyon sa media kaugnay sa progreso o anumang nagaganap sa nasabing kaso.

Ikinatuwiran ni Mauricio na hanggang hindi naibababa ang hatol ng piskalya sa kanyang mga menor-de-edad na kliyente ay ma­itu­turing pa rin na inosente ang mga ito at hindi dapat na pagka­kaguluhan ng media ang ganitong uri ng kaso.

Aniya, sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, binibigyan ng karapatan ang mga menor-de-edad na suspek sa anumang uri ng kaso na magkaroon ng pribadong buhay at walang impormasyon ang dapat na makalabas sa media.

“Indeed, statements released to the media about the case, which are purely derogatory, have the effect of prying into the privacy of the students involved and destroying the con­fidentiality of the proceedings,” ani pa rin sa liham.

Nilinaw pa rin ni Mauricio na dapat umanong ang korte o ang pis­kalya muna ang unang makaalam kung mayroon mang pro­greso sa naturang kaso na iniimbestigahan ng pulisya at hindi muna ang media. Ipinaliwanag pa rin ni Mauricio na ipinadala nito ang liham kay Rosales bunsod na rin ng kahilingan ng pamilya ng mga suspek na sangkot dito upang patuloy na maprotektahan  ang kani-kanilang mga anak sa anumang kahihinatnan ng nasabing kaso.

Magugunita na ang pulisya na mismo ang nanawagan sa mga kaibigan at classmates ng kapwa biktima at mga suspek na maki­pag­tulungan sa isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang mapadali ang pagresolba sa nasabing kaso. Ito ay matapos na mapalaya ang unang apat na suspek na inaresto ng pulisya maka­raang hindi ito maituro ng biktima.

Naganap ang nasabing panggagahasa sa biktimang 1st-year student at kumukuha ng kursong Business Administration sa PUP  noong Hunyo 25 hanggang   27  sa loob ng isang classroom sa nasabing unibersidad.

vuukle comment

BUSINESS ADMINISTRATION

DIRECTOR GENERAL ROBERTO ROSALES

JUVENILE JUSTICE AND WELFARE ACT

MANILA POLICE DISTRICT

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with