Foul!
Ito ang naging pag-alma ni AFP-Public Information Office (AFP-PIO ) Chief Lt. Col. Ernesto Torres Jr. sa umano’y malisyoso at mapanirang paratang ng KARAPATAN na kinidnap ng intelligence operatives ng militar ang dalawang anak ng pinaslang na lider militante.
Sinabi ni Torres na hindi kinidnap ng AFP na sinasabi ng KARAPATAN ang magkapatid na sina Roseann Gumanoy, 21, at Fatima, 17.
Una rito, ibinulgar ni Fr. Duinonbito Cabillas, isang Aglipayan Priest at Director ng Karapatan na dinukot umano noong Hulyo 3 ng mga intelligence operatives ng AFP ang magkapatid sa Alabang, Muntinlupa City habang patungo ang mga ito sa Cavite.
Ang magkapatid ay anak ni Eddie Gumanoy na kasamang pinaslang ni Eden Marcellana, Secretary General ng KARAPATAN Southern Tagalog sa Bansud, Oriental Mindoro may limang taon na ang nakalilipas.
Ayon kay Torres si Roseann ay isa umanong kasapi ng New People’s Army ( NPA) na kinasuhan ng rebelyon matapos itong sugatang maaresto ng militar sa isang engkuwentro sa Gen. Nakar, Quezon noon pang Abril 15 ng taong ito.
“She (Roseann) was brought to AFP Medical Center for treatment. Eventually, she was committed to the Quezon Provincial Jail, allowed to post bail and placed under custody of Karapatan,” ani Torres.
Sinabi ni Torres na matapos ito ay kusang-loob umanong umalis si Roseann sa kustodya ng KARAPATAN kung saan ay pinaratangan kaagad ng grupo ang AFP operatives na nasa likod ng pagdukot sa naturang biktima.
Idinagdag pa ni Torres na boluntaryong dumulog at humingi ng tulong sa kanila si Roseann na sinamahan pa ng kaniyang kapatid na si Fatima taliwas naman sa alegasyon ng KARAPATAN na kinidnap nila ang dalawa.
“Coordination is being done by the military with the Quezon court as regards her legal disposition. She ‘s facing a rebellion charge. She failed to attend the hearing scheduled on July 2. A warrant for her arrest was issued by the court. She was accompanied by her sister Fatima”, dagdag pa ni Torres. (Joy Cantos)