Nabigla ang mga nagsasakayang pasahero ng Philippine Airlines (PAL) sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Centennial Terminal 2 patungong Davao City matapos na banggain ang nagsasakay na eroplano ng isang tow truck kahapon ng umaga. Ayon kay Asst. General Manager Octavio “Ding” Lina, agad na ni-reset ang paglipad ng PAL flight PR-811 (Airbus 330) patungong Davao City na dapat ay umalis ng alas-10:25 ng umaga kahapon makaraang aksidenteng banggain ng PAL tow truck.
Nabunggo ng tow truck ang nose wheel ng nasabing eroplano na nagsasakay ng daan-daang pasahero nang mawalan ng preno ang truck sa may runway. Biglang nagsigawan ang mga nakasampa nang pasahero nang makaramdam ng mabilis na paggalaw ng eroplano sanhi ng lakas ng pagbangga ng tow truck.
Gayunman, sinabi ni Lina na wala namang iniulat na nasaktan sa nasabing insidente. Ang naturang flight na magsasakay sana ng 27 business class at 223 economy passengers ay itinakdang umalis din ng alas-12:30 ng hapon at posibleng gagamit ng ibang eroplano. Kasalukuyang tinitingnan pa ang pinsala ng naturang eroplano. (Ellen Fernando)