Katulong naglason
Matapos ang dalawang araw na pagkakaratay sa pagamutan, tuluyang nasawi ang isang 29-anyos na katulong dahil sa umano’y pag-inom nito ng lason.
Nasawi dakong alas-3:15 kamakalawa ng hapon sa loob ng East Avenue Medical Center si Clarissa Bolado, dalaga, tubong Zamboanga City at stay-in sa #50-A Kamias Road, Brgy. West Kamias, Quezon City.
Sa ulat na natanggap lamang kahapon ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, nadiskubre ang paglalason ng biktima dakong alas-3 ng hapon nitong Hunyo 24.
Ayon sa mga kasamahan sa bahay ni Bolado na sina Liza Alo, August Bodoso at Aldin Pajo, nakaamoy sila ng masangsang na amoy na nagmumula sa banyo sa likod ng bahay. Nang kanilang puntahan, nadiskubreng nasa loob pala ng banyo si Bolado. Puwersahan nilang binuksan ang pinto kung saan tumambad ang nakalugmok na katawan ni Bolado na bumubula pa ang bibig. Isang bote na naglalaman ng hindi pa mabatid na kemikal ang natagpuan sa tabi nito. Agad na isinugod sa EAMC si Bolado kung saan naratay muna ito ng dalawang araw bago tuluyang nalagutan ng hininga matapos na sunugin ng lason ang mga laman-loob nito. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending