Sekyu nag-amok: Pulis, 1 pa sugatan
Sugatan ang isang pulis-Maynila at isang ginang makaraang magwala ang isang security guard sa Malate, Maynila kamakalawa ng gabi.
Ginagamot ngayon sa Ospital ng Maynila ang biktimang si PO1 Alexander Lim, nakatalaga sa Manila Police District-District Mobile Force Unit (MPD-DMFU) at Nilda Daniac, 46, ng A. Linao St. Malate.
Ginagamot naman sa Philippine General Hospital ang suspek na si Francis Pranga, security guard, ng San Nicolas, Floridablanca, Pampanga.
Ayon sa ulat, dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa kanto ng A. Linao at Quirino Ave., Malate, Manila.
Nagpapahinga si Lim sa loob ng kanilang bahay nang nakarinig ng pagwawala ng isang tao sa labas.
Tinangkang komprontahin ni Lim ang suspek subalit imbes na tumigil ay pinagbabato nito ang una at naghamon na sasaktan nito ang sinuman lalapit. Lumapit pa rin si Lim subalit nagbunot ng baril si Pranga at pinaputok sa direksiyon sa kanya dahilan upang tamaan ito gayundin sa Daniac na naglalakad lamang sa naturang lugar.
Sa puntong ito, gumanti si Lim at binaril ang suspek na tinamaan sa kaliwang kamay at balikat. (Grace dela Cruz)
- Latest
- Trending