ATM booth babaguhin!
Pagbabago sa mga Automated Teller Machine (ATM) sa mga susunod na araw ang mapapansin ng mga kostumer makaraang makipagpulong ang Manila Police District (MPD) sa mga distributor nito upang maiwasan ang insidente ng “Ipit-ATM.”
Ang ginawang pakikipagpulong ni Supt. Nelson Yabut, Hepe ng MPD-Station 11 (Binondo) sa mga distributor ng ATM ay bunsod sa pagkakaaresto ng dalawang miyembro ng”Ipit-ATM “ gang noong Lunes habang papalabas sa isang ATM booth sa Binondo, Manila. Kabilang sa mga kompanya na distributor ng ATM booth sa mga bangko ay ang Siemens at NCR.
Ayon pa kay Yabut, kabilang sa mga napag-usapang pagbabago ay ang reprogram ng monitor kung saan sa pagbukas pa lamang ng screen ng ATM ay nakasaad na ang babala sa mga kostumer hinggil sa posibleng pagkakaipit ng kanilang pera ; pangalawa ay ang pagbabago ng clearance mula sa metal gadget na nilalabasan ng cash upang hindi malagyan ng glue ng mga suspek at maiwasan ang hindi paglabas ng pera at ang paglalagay ng 24 hours na guwardiya sa mga ATM booth.
Matatandaan na naalarma ang MPD makaraang dalawang insidente ng “Ipit ATM” ang naganap sa Maynila kung saan ang unang insidente ay ang isang opisyal ng MPD ang naging biktima na naipit ang halagang P10,000 mula sa Bank of Philippine Island (BPI) U. N. Avenue, Branch at ang pinakahuli ay ang pagkakaaaresto sa mga suspek na sina Bobby Tibo, 25; at Edwin Derla, 38. Nakuha sa kanilang pag-iingat ang halagang P2,500 cash na may bakas pa ng glue sa pera na withnidraw ng kostumer na si Rowel Tagoldol, 34 mula sa BPI Lavesarez, Binondo Branch. (Grace dela Cruz)
- Latest
- Trending