‘Gwapotel’ ipagagamit ng MMDA
Ilalaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang 2 “Gwapotel” ng ahensiya na kinabibilangan ng “Capsule Otel” para sa mga kamag-anak ng mga biktima ng M/V Princess of the Stars at maging sa mga survivors na gagawing testigo sa pag-iimbestiga sa naganap na trahedya.
Ito ay matapos na magpahayag ng pagnanais si Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Vice Admiral Wilfredo Tamayo na hingin ang tulong ng MMDA para sa pansamantalang matutuluyan ng mga survivors at kaanak ng mga biktima. Sa isang pahayag ni Tamayo, sinabi nito na nais sana ng kanyang tanggapan na hingin ang tulong ni MMDA chairman Bayani Fernando upang makapag-avail rin ng P25 kada-araw na paninirahan ang mga survivors at mga kaanak ng mga biktima, habang isinasagawa pa ang imbestigasyon hinggil sa nasabing trahedya.
Sa panayam naman ng PSN kay Roberto Esquivel, hepe ng MMDA Traffic Enforcement Group, kahit pa man umano hindi pa nakakarating sa kanilang tanggapan ang pormal na sulat ni Tamayo para sa nasabing kahilingan, sinabi ng una na siyento-por-siyentong aaprubahan ito ni Fernando at handa naman umano ang dalawang “Gwapotel” ng MMDA na kinabibilangan ng bagong bukas na “Capsule Otel” o Gwapotel 2 sa Jose Abad Santos St., Tondo, Manila bukod pa sa Gwapotel 1 sa South Harbor, Manila.
Ayon pa kay Esquivel, posible ring gawin na lamang “gratis” o libre o kaya ay pwede rin naman umanong pagtulungan na lamang ng mga concerned agencies ang bayarin sa maintenance ng Gwapotel para sa paninirahan ng mga kaanak ng mga biktima at mga survivors na tetestigo sa paglubog ng M/V Princess of the Stars. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending