Maingay sa inuman, binoga, patay
Isang 23-anyos na binata ang binaril sa ulo at napatay ng isang hindi kilalang lalaki na nairita sa pagiging maingay ng una habang ito ay nakikipag-inuman kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Nakilala ang nasawing biktima na si Darwin Mañoso, ng Purok 6, Dulong Hernandez, Brgy. Catmon ng nabanggit na lungsod.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10:50 ng gabi nang maganap ang insidente sa harap mismo ng tahanan ng biktima sa naturang lugar.
Nabatid na masayang nakikipag-inuman ang biktima sa kanyang mga barkada habang maingay itong bumabangka nang dumaan ang suspect na hinihinalang nairita sa pagiging maingay ng biktima at walang sabi-sabing pinaputukan ng salarin ang biktima sa ulo na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Mabilis na tumakas ang suspect dala ang ginamit na baril. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending