Sasampahan ng kasong kriminal ang lolo at lola ng sanggol na inihagis sa tumatakbong taxi matapos isilang ng kanilang 15-anyos na anak noong Martes ng hapon sa Paco Maynila.
Ang mga kakasuhan ay sina Elena Tria at ang kanyang kinakasamang si Marcus De Guzman na umano’y kasama sa taxi ng menor-de-edad na ina ng sanggol nang ihagis palabas ng sasakyan ang sanggol. Kasong frustrated infanticide ang inihahandang kaso laban sa mga ito.
Hindi naman makakasama sa kaso ang ina ng sanggol batay na rin sa umiiral na batas sa ilalim ng RA 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act or 2006 kung saan nakapaloob na hindi puwedeng sampahan ng kasong kriminal ang mga may edad na 15 taon pababa.
Nabatid na ang ina ng 15-anyos na dalagita ang nag-utos sa huli na ihagis na lamang palabas ng taxi ang isinilang nitong sanggol sa loob ng sasakyan.
Gayunman, isasailalim ng Department of Social Welfare and Development sa counselling, education at iba pang programang makatutulong sa muling pagbabagong buhay ng ina ng sanggol sa halip na ikulong ito at isama sa demanda.
Samantala, nasa mabuti na umanong kalagayan ang sanggol na pinangalanang “Mayumi” ayon sa mga nag-aalagang nurse sa kanya sa Ospital ng Maynila bagama’t patuloy pa ring inoobserbahan ang posibleng impeksiyong nakuha ng sanggol bunga ng pagkakasilang sa labas ng pagamutan. (Grace dela Cruz)