Imbestigasyon sa sanggol na inihagis sa gusali, pinaigting
Luminol examination ang susi upang matukoy kung saan nagmula ang sanggol ng inihagis mula sa isang gusali sa Binondo, Maynila.
Ayon kay Det. Richard Lumbad ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, makikipag-ugnayan sila sa MPD-Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang magsagawa ng luminol examination upang matukoy kung saan nagmula ang blood stain ng sanggol bago ito natagpuan sa bubong ng isang kiskisan sa San Fernando St., Binondo, Maynila.
Dagdag pa ni Lumbad, sa kasalukuyan ay nakatutok ang kanilang imbestigasyon sa Gold Rich Mansion sa kanto ng Jaboneros at Madrid Sts., Binondo kung saan posibleng nagmula ang sanggol. Ayon pa kay Lumbad, sa pamamagitan ng nasabing eksaminasyon matutukoy ang pinagmulan ng sanggol makaraang wala ni isa mang saksi ang gustong magsalita.
“May kasabihan na hindi nagsisinungaling ang ebidensiya. Kung gagamitan ng luminol examination siguradong hindi na makakatanggi ang may-ari ng kuwartong pinanggalingan ng bata” ani Lumbad.
Ang luminol examination ay isang pagsusuri kung saan gagamitan at papahiran umano ng isang kemikal ang mga bintana ng gusali at sa pamamagitan nito ay matutukoy ang partikular na palapag at kuwarto na pinagmulan ng sanggol.
Sa kasalukuyan ay nakatuon ang kanilang imbestigasyon mula sa 8th floor hanggang 11th floor ng naturang building na posibleng pinagmulan ng sanggol nang nadiskure ito dakong alas-11 ng umaga noong Hunyo 17, 2008. Nakatuon din ang pagsisiyasat ng pulisya sa kung sinong ina ang nagtapon at pumatay sa sariling anak. (Grace dela Cruz)
- Latest
- Trending