Bagong panganak na sanggol inihagis sa taxi

Mistulang sinalo ng kan­yang anghel ang isang   kapa­panganak pa lamang na sang­gol matapos na ihulog ito ng kanyang menor-de-edad na ina mula sa sinasakyang taxi  kamakalawa ng hapon sa Paco, Maynila.

Bukod sa pagkakahagis buhat sa taxi muntik na ring  masagasaan ng negosyan­teng si Cristine Quinones ang gumugulong na sanggol ma­tapos na mapagkamalan itong manika habang nakabalot sa isang tuwalya na tigmak ng dugo  habang ang taxi ay tuma­takbo dakong alas-4 ng hapon sa kanto ng Pedro Gil at Onyx st.

Ngunit nagulat na lamang si Quinones nang makitang  isang kasisilang pa lamang na sanggol ang inihagis mula sa taxi nang damputin niya sa kalsada na umiiyak at hindi pa napuputol ang pusod.

Mabilis naman na isinugod ng negosyanteng ginang sa Health Center and Lying-In Clinic sa hindi kalayuan sa kanilang lugar ang sanggol upang malapatan kaagad ng pang-unang lunas.

Sinabi ni Paz Irene Diaz, midwife supervisor ng natu­rang Lying-in Clinic na nasa mabuting kalagayan na  ang sanggol maliban sa pagkaka­roon ng mga bukol sa ulo at gas­gas sa katawan kaya minabuti nilang dalhin ito sa Ospital ng Maynila upang ma­suring mabuti ang kalagayan.

Matapos namang maiulat sa pulisya ang pangyayari, nagawa namang matunton ng pulisya ang ina ng biktima na si Catherine Tria, 15, ng  Ray­mundo St., San Andres Bukid, Maynila na isinugod din ng kan­­yang mga kaanak sa pa­gamutan matapos mawalan ng ulirat nang isilang ang sanggol.

Kasong frustrated infanti­cide naman ang posibleng isampa laban kay Tria sa oras na gumanda na ang kanyang kalagayan, habang isasailalim naman sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang sanggol.

Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya na galing umano si Tria at ang lola nito sa Ba­rangay Health Center ngunit dahil sa manganganak na umano ito ay pinayuhan  agad na pumunta sa ospital.

Subalit sa kasamaang palad ay inabot naman si Tria ng panganganak sa loob ng taxi na minamaneho ni Epi­fanio De Veray  na may pla­kang TVG-767 ngunit ma­tapos na iluwal ay inihagis ito palabas ng taxi.

Nagbigay naman ng mag­kaibang kuwento sa pulisya at sa OSMA si Tria kung bakit ini­hulog ang sanggol.

Unang sinabi umano ni Tria sa pulisya na inutusan siya ng kanyang lola na ihagis na lamang ang sanggol sa labas ng taxi ngunit sinabi naman nito sa mga doktor na tumingin sa kanya sa OSMA  na  natakot umano siya nang makitang lumabas na ang kanyang baby.

Show comments