Umaabot sa P9 na mil yon ang halaga ng mga “drug production machines” at mga kemikal na ebidensya ang natupok matapos na sumiklab ang sunog sa “evidence room” ng Philippine Drug Enforcement Agency kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Sa inisyal na ulat, dakong alas-3 ng madaling-araw nang masunog ang evidence room ng ahensya. Umabot lamang sa unang alarma ang sunog kung saan naapula ng mga bumbero dakong alas-6 na ng umaga.
May 20 “bilanggo” ng ahensya na nakaditine malapit sa kuwartong nasusunog ang inilipat ng lugar dahil sa matinding usok at masangsang na amoy ng mga kemikal. Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.
Hindi pa naman mabatid ng mga imbestigador ang pinagmulan ng naturang apoy habang nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon at imbentaryo sa mga nasunog na ebidensya.
Tiniyak naman ni PDEA Director General Sr. Undersecretary Dionisio Santiago Jr. na hindi makakaapekto ang pagkasunog ng mga ebidensya sa takbo ng kaso sa mga naaresto nilang suspek dahil sa may kopya naman sila ng mga ito.
Idinagdag pa nito na nakatakda na nilang wasakin ang mga ito at “court order” na lamang ang hinihintay bago maganap ang sunog. Nilinaw rin ni Santiago na walang “finished product” na shabu na nakaimbak dito kung saan pawang mga kemikal at mga equipments lamang ang nasa loob. Kabilang sa mga natupok ay P3-milyong halaga ng ephedrine, P2 milyong halaga ng acetone at iba pang kemikal; mga drug making equipments at ilang tangke na naglalaman ng “liquefied petroleum gas”.
Hinihinala ni PDEA Spokesman Derrick Carreon na posibleng aksidente ang sunog dahil sa reaksyon ng mga kemikal o maaaring pagsingaw ng LPG dahil sa maalinsangang panahon sa kulob na kulob na kuwarto.
Isa namang opisyal ng Bureau of Fire Protection na ayaw magpabanggit ng pangalan ang nagpahayag ng hinala na gawa ng ilang tiwaling opisyal ng PDEA ang sunog para pagtakpan ang maanomalyang recycling business sa mga nakukumpiskang shabu.
“Papaano magkaroon ng chemical reaction, eh, ephedrine (a vital ingredient in methamphetamine hydrochloride) at acetone lang naman ang nandoon,” sabi ng opisyal.