Nasawi ang isang 33-anyos na kusinero matapos itong lusubin at bugbugin sa loob ng kanyang tirahan ng kanyang mga kapitbahay kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.
Namatay habang ginagamot sa Ospital ng Sampaloc sanhi ng mga bugbog sa katawan ang biktimang si Danilo Pagsinohin, ng #844 Int. 29 Domingo Santiago, Sampaloc ng nasabing lungsod.
Patuloy namang pinaghahanap ng pulisya ang isang Beng Beng Estal at apat pang kasamahan nito na pawang kapitbahay ng biktima na mabilis na tumakas matapos ang pambubugbog.
Lumalabas sa ulat ng pulisya na dakong alas-10:45 ng gabi nang magsimula ang insidente sa basketball court ng Brgy. 571 Zone 56 District 4, habang nag-iinuman ang biktima, suspek at ilan pang mga kaibigan nang bigla na lamang magkapikunan ang dalawa na pilit namang inaawat ng mga kainuman.
Subalit dahil mas marami umanong kakampi ang suspek ay pinagtulungang bugbugin ang biktima ng iba pa nilang kainuman. Tinangka pa umanong tumakas ng biktima at nagtago ito sa kanilang bahay subalit sinundan pa rin ito ng mga suspek at pinagtulungang bugbugin na naging sanhi ng kamatayan nito. (Gemma Amargo-Garcia)