Matapos ang magarbong selebrasyon noong Huwebes ng Araw ng Kalayaan sa ‘Unang Sigaw Shrine’ sa Balintawak, Quezon City, binaboy agad ng mga rugby boys at ginawang pasugalan ng mga palaboy ang naturang makasaysayang lugar kahapon nang iwanan agad ito ng mga bantay.
Personal na nasaksihan ng PSN ang lantarang pambababoy sa Unang Sigaw Shrine partikular sa monumento ni Gat. Andres Bonifacio kung saan sa ilalim mismo nito nagsusugal ng kara y kruz ang higit 10 katao.
Bukod pa dito, naglipana rin sa lahat ng sulok ng parke ang mga kabataan na sumisinghot ng rugby habang muling naglatag ng kanilang mga gamit at nagluto pa sa ilalim ng puno ang mga pamilyang palaboy. Dagdag pa sa pagkasira ng naturang makasaysayang parke ang nagkalat na mga basura sa paligid nito.
Una nang idinulog kay Quezon City Police District Director, Sr. Supt. Magtanggol Gatdula ang naturang problema nitong nakaraang buwan kung saan umaksyon naman agad ito nang pagdadamputin ang mga kabataang gumagamit ng rugby at paalisin ang mga palaboy na ginagawang tirahan ang parke at kuta sa kanilang krimen.
Nilinaw ni Gatdula na tanging pagdampot lamang ang kanilang magagawa at ipapasa na sa Department of Social Welfare and Development ang mga bata habang pangunahing responsibilidad ng barangay ang pagbabantay sa naturang parke.
Sa kabila nito, patuloy na walang aksyon ang pamunuan ng Barangay Unang Sigaw sa Balintawak sa naturang lantarang problema kahit na may ilang metro lamang ang layo ng kanilang barangay hall sa parke. (Danilo Garcia)