Ex-pulis timbog sa robbery with homicide
Arestado ng pulisya ang isang dating pulis at hinahanting naman ang kasamahan nito na hanggang ngayon ay aktibo sa serbisyo matapos umano nilang holdapin at mapatay ang kanilang naging biktima kamakailan sa Maynila.
Sa bisa ng warrat of arrest dinakip si ex- PO1 Rogelio Tizon Jr., 33, na dating nakatalaga sa NPD at naninirahan sa Dagupan, Tondo dahil sa kasong robbery with homicide.
Samantala, patuloy na pinaghahanap ang isa pang akusado na si P01 Ruben Baratas. Kinilala naman ang kanilang naging biktima na sina Christopher Lumbang at kasama nitong isang Michael Cunanan.
Base sa rekord ng pulisya, naganap ang insidente noong Hulyo 27, dakong alas-11 ng umaga sa harapan ng isang sangay ng Security Bank, na matatagpuan sa panulukan ng North Bay Boulevard at Simeon St., Balut, Tondo, Manila.
Nabatid na sakay ang mga biktima sa isang Toyota Vios, na may plakang ZAM-916 nang biglang harangin ng mga suspect na pulis na noo’y lulan sa isang motorsiklo. Nagdeklara ng holdap ang mga suspek at nang manlaban si Lumbang ay binaril ito ng naturang mga suspect na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Si Tizon ay nadakip ng mga kagawad ng NPD-DIID kahapon sa loob ng Fireforce Security and Detective Services, na matatagpuan sa 3rd floor Louilla Building, Mac Arthur Highway, Valenzuela City dahil sa kasong robbery with homicide. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending