Away sa Mindanao, tinapos sa Maynila

Sa Maynila tinapos ang matagal ng alitan ng magkakamag-anak sa Mindanao nang pagbabarilin hanggang sa mapatay ang isang 43-anyos na negosyante ng sarili nitong pamangkin sa Quiapo, Maynila kamakalawa ng gabi.

Namatay sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Cairoden Hicasaw Siswasang, binata, ng 861 Arelgui St., Quiapo sanhi ng tama ng bala sa katawan. Pinaghahanap naman ang suspek na kinilalang alias Caloy,  ng Arlegui St., Quiapo matapos ang insidente.

Sa report ng pulisya, dakong alas-9 ng gabi nang naganap ang pamamaril sa kanto ng Arlegui at Elizondo Sts., Quiapo, Manila.  Naglalakad ang biktima nang lapitan siya ng suspek at walang sabi-sabing binaril ito na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.  Ayon sa ulat, nag-ugat ang pamamaril ng suspek sa biktima sa dating alitan ng kanilang kamag-anak sa Mindanao may isang taon na ang nakakaraan  kung saan nabaril at napatay umano ang kapatid ng suspek at isinasangkot ang bik­tima na isa sa salarin.

Naunang lumuwas sa Maynila ang biktima kung saan nagne­gosyo dito hanggang sa sumunod naman ang suspek at nag-krus ang kanilang landas na nagresulta sa pagkamatay ng bik­tima. Nabatid na pamangkin ng biktima ang suspek. (Grace dela Cruz)

Show comments