Nalaglag sa kamay ng pulisya ang tatlong umano’y mga notoryus na holdaper na ang karaniwang binibiktima ay mga negosyanteng Bumbay makaraang matiyempuhan ang mga ito sa inilatag na checkpoint kahapon bago magtanghali sa Pasig City.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Jovito Capistrano, 31, Jeffey Cuan, 24, at Jessie Ledesma, pawang mga residente ng Kampupot St., Brgy. Pembo, Makati City.
Sa ulat ng puilsya, dakong alas-11 ng umaga ng maaresto ang mga suspek sa checkpoint ng Pasig Police sa kahabaan ng Sandoval Avenue Brgy. Pinagbuhatan ng lungsod na ito.
Nabatid na pinatigil ng mga nagbabantay na kagawad ng pulisya ang mga suspek nang mapansing walang plaka ang sinasakyan nilang motorsiklo.
Nang kapkapan ng mga pulis ay nakuha sa mga suspek ang isang .38 kalibre ng baril at dalawang kutsilyo kaya agad silang dinala sa himpilan ng pulisya.
Sa ginawang interogasyon, inamin ng mga suspek na mga holdaper sila at karaniwang mga negosyanteng Bumbay ang kanilang binibiktima. Umamin din ang mga suspek na anim na mga negosyanteng Bumbay na nagpapa-5-6 ang kanila nang nabiktima at nang masabat sila sa checkpoint ay may gagawin sana silang operasyon. (Edwin Balasa)