PNP-TMG magiging PNP- Highway Patrol Group na
Mula sa pagkakakilala na PNP Traffic Management Group (PNP-TMG), pinalitan ito ngayon ng pangalan ng National Police Commission (Napolcom) at makikilala na bilang PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG).
Sa pahayag na ipinadala sa Department of Interior and Local Government (DILG), inilabas ng Napolcom ang Resolution No. 2008-262 na nagpapalit sa pangalan ng PNP-TMG.
Sinabi ni Napolcom Personnel and Administrative Service chief, Isidro Siriban, ang pagpapalit ng pangalan ay upang maituwid ang miskonsepsyon na nadodoble lamang ng naturang unit o nasasapawan ang trabaho ng pamamahala ng trapiko ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at iba pang units.
Base sa PNP Reorganization Plan, mananatili ang PNP-HPG bilang operational support unit ng kapulisan at magpapatupad ng mga batas sa trapiko at regulasyon. Mananatili pa rin ang trabaho ng HPG sa pagpapatrulya upang mapangalagaan ang publiko, mapanatili ang kaayusan, umaresto sa mga kriminal at buwagin ang mga sindikato na nambibiktima ng mga motorista, at manguna sa operasyon laban sa carnapping, hijacking, highway robbery at iba pang krimen sa kalsada.
Hawak pa rin ng HPG ang pamamahala sa database ng Wanted Motor Vehicle Information System (MVIS), mag-develop ng information system sa mga wanted na karnaper, magsagawa ng pagsasaliksik at bumuo ng database upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending