Bubulaga ngayong Lunes ang welga ng mga driver at operator ng mga pampasaherong jeepney at bus sa Metro Manila at ilang lalawigan bilang pagpapa kita ng kanilang protesta laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Nangunguna sa welga ang militanteng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide pero sinabi ng secretary general nitong si George San Mateo na hindi kasama sa kanilang protesta ang kahilingang itaas ang singil sa pasahe sa paniwalang hindi ito ang solusyon sa nararanasang pagdurusa ng mga tsuper at motorista.
Naunang napaulat na nakaalerto na ang mga tauhan ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines para masawata ang anumang kaguluhang maaaring maganap sa welga.
Ayon sa PISTON, isa sa kanilang kahilingan ay ang pagbasura sa Oil Deregulation Law na siyang nagbigay ng pagkakataon sa mga kompanya ng langis na magkaisa sa pagtatakda ng magkakaparehong presyo ng kanilang produkto.
Ipinapatigil din nila ang pagtaas ng presyo ng langis at ang pagpapataw ng 12 porsiyentong value added tax sa mga produktong petrolyo.
Hindi naman nabahala ang Metropolitan Manila Development Authority sa tigil-pasada ng PISTON sa paniwalang hindi malala ang magiging epekto nito sa publiko dahil isang grupo lamang ang magwewelga.
Ayon kay MMDA General Manager Robert Nacianceno, huwag lamang mananakot at mamumuwersa ang grupo ay tiyak na kakaunti lamang ang sasama sa tigil-pasada ngayon.
Hindi rin pabor ang grupo ni Obet Martin ng Pasang Masda sa tigil-pasada ng PISTON dahil hindi lamang aniya ang mga tsuper na nag hahanapbuhay ang maaapektuhan kundi ang mga ordinaryong manggagawa na araw-araw na sumasakay ng pampasaherong jeep patungo sa kanilang trabaho.
Posibleng ipakalat ngayon ng AFP ang mga trak ng National Food Authority para gamiting service sa mga pasaherong mai-stranded ngayong araw dahil sa “tigil-pasada” ng iba’t ibang transport group.
Inihayag kahapon ng AFP-National Capital Region Command na pinag-aaralan nila kung kakailanganin pa ang mga trak na dating gamit sa paghakot ng bigas kung lulubha ang sitwasyon ngayong araw.
Itataas sa “heightened alert” ang puwersa ng AFP, ayon kay NCRCOM spokesman Capt. Carlo Ferrer ngunit maaari ring itaas sa “red alert” kung kakailanganin.
Tinatayang 2,000 pulis naman ang ikakalat ng PNP-National Capital Region Police Office sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila habang itataas rin ang “full alert status” umpisa alas-8 kagabi. (May ulat ni Danilo Garcia)