4 MPD cops inireklamo ng kotong
Apat na pulis-Maynila ang inireklamo ng umano’y pangongotong sa isang taxi driver sa loob mismo ng Manila Police District-Headquarters kamakalawa ng gabi sa Maynila.
Ang biktimang si Edgardo Chu, 53, residente ng #214 Matalino st., Tubigan Antipolo City ay nagreklamo sa MPD-General Assignment Section (GAS) laban sa apat na pulis-Maynila na nakatalaga sa Anti-Carnapping Division.
Kikilalanin naman ni Chu sa police line-up ang mga suspect matapos na siya ay ikulong umano ng mga ito dahil lamang sa umano’y peke ang kanyang lisensiya.
Ayon sa biktima, ang insidente ay naganap kamakalawa ng gabi sa tapat ng SM-Manila dakong alas-8 ng gabi kung saan pinara umano siya ng mga di pa nakikilalang suspek para sa sumailalim sa checkpoint. Matapos siyasatin ang kanyang taxi na may plakang TYL-610 at walang nakitang ilegal ay pinagdiskitahan naman umano ng mga suspek ang kanyang lisensiya at sinabing peke umano ito na labis naman na itinanggi ng biktima.
Bunsod nito’y, dinala umano ang biktima sa MPD-Headquarters at dito ay pinipiga umano siya na maglagay na lamang sa kanila ngunit nang walang maibigay ang biktima ay ikinulong na lang ito.Dahil dito ay napilitan na lamang umano si Chu na ibigay sa mga suspek ang kanyang kinitang P250 kaya lamang siya pinakawalan ng mga suspect na pulis. (Grace dela Cruz)
- Latest
- Trending