Kagawad, anak timbog sa pamamaril sa magkakapatid

Sugatan ang tatlong magka­ka­patid at live-in partner ng isa sa mga ito makaraang  pagba­ba­rilin umano sila ng grupo ng isang brgy. kagawad at  anak nito sa Sta. Cruz, Maynila  ka­ma­­kalawa ng gabi.

Ginagamot ngayon sa Metro­politan Hospital ang mag­kakapatid na sina Melvin, 30; Marlon, 29 at Mervin Chan, 23 at live-in partner ng una na si Jennie Sena, 45, pawang re­sidente ng 1337 Sulu St., Sta. Cruz, Manila sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan.

Arestado naman ang inginu­song mga suspek na sina Oscar Barbosa, 48, barangay kaga­wad ng Brgy 318 Zone 32 Dist. 3; anak nitong si Orlando, 22; mga kamag-anak na si Manuel Barbosa, 40, tanod at Cesar Barbosa, 50, buko vendor, pa­wang residente ng 1336 Sulu St., Sta. Cruz.

Ayon sa ulat, dakong alas-11:15 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa harapan ng bahay ng mga biktima.

Bago ang pamamaril, ay nagtungo umano sa tindahan sina Manuel at Cesar na umano’y napatingin sa grupo ng mga biktima na nakaupo sa harapan ng kanilang bahay.

Sinabihan umano ng isa sa grupo ng biktima kung bakit ma­samang makatingin ang dalawa subalit imbes  na patulan ay umuwi ang dalawa at umano’y nagsumbong sa kagawad.

Lumabas umano ng bahay si kagawad, anak nito at ang dalawa at sinita ang grupo ng biktima na nauwi sa mainitang pagtatalo hangang sa maglabu-labo na ang mga ito.

Naglabas umano ng baril ang kagawad at pinaputukan ang mga biktima. Sumunod din umanong nag­paputok ng baril ang anak nito.

Nakuha sa insidente ang ilang basyo ng kalibre .45 at .38 na baril. sNaaresto ang mga suspek sa isinagawang follow up operations ng pulisya.

Nabatid na matagal ng may alitan ang dalawang panig ma­ka­raang magsampa ng kasong sexual abuse ang kampo ng mga biktima sa naturang ka­gawad. (Grace dela Cruz)

Show comments