Kritikal sa pagamutan ang isang 20-anyos na estudyante matapos mahagip ng ligaw na bala mula sa isang hindi nakikilalang lalaking nagpaputok ng baril sa gitna ng naganap na rambulan, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Agaw-buhay na dinala sa Manila Central University (MCU) Hospital sanhi ng tinamong isang tama ng bala mula sa hindi batid na kalibre ng baril sa kanyang noo ang biktmang si Jhon Rotsen Sangilan Jr. ng 198 7th St., 9th Avenue ng nabanggit na lungsod. Batay sa ulat, dakong alas-7 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng 7th St., 9th Avenue, Brgy. 104, Caloocan City.
Nabatid na kasalukuyang nakatayo ang biktima kasama ang mga barangay tanod na sina Romeo Clor at Ryan Salazar habang pinanonood ang kaguluhang nagaganap sa kalapit na Brgy. 103 nang biglang umalingawngaw ang isang malakas na putok ng baril. Duguang humandusay ang biktima sa kalsada na may tama ng bala sa kanyang noo na agarang isinugod sa nasabing ospital kung saan nasa maselang kalagayan pa rin. Samantala, hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng awtoridad hinggil sa nasabing insidente upang alamin kung sino ang posibleng nagpaputok ng baril na naging dahilan upang matamaan ang biktima at malagay sa peligro ang buhay nito. (Rose Tamayo-Tesoro)