Bangkay itinago sa compartment ng sasakyan
Dahil sa masangsang at nakakasulasok na amoy, nabulgar ang karumal-dumal na kamatayang sinapit ng isang 32-anyos na negosyante matapos madiskubre ang bangkay nito na tadtad ng saksak sa loob ng compartment ng kanyang sasakyan, kamakalawa ng gabi sa
Halos naaagnas na ang bangkay ng biktimang si Richard dela Cruz, may asawa, ng 118 Apt-B, Plapla corner Paros Alley, Block 2, Lot 128, Phase III-E-1 ng nabanggit na lungsod nang madiskubre ito ng mga nagpapatrulyang tanod.
Nagsasagawa naman ng malawakang manhunt at follow-up operation ang mga elemento ng Caloocan-PNP laban sa suspect na hindi muna ipinapabunyag ang pangalan.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-6 ng gabi nang matuklasan ang bangkay ng biktima sa loob ng compartment ng sasakyan nitong pulang Toyota Corolla na may plakang TCZ-277 na nakaparada sa panulukan ng Rizal Avenue Ext. at 1st Avenue, Caloocan City.
Nabatid na unang nakitang ipinarada ang naturang sasakyan ng isang hindi nakilalang lalaki noong nakalipas na May 2 dakong alas-8:45 ng gabi.
Lumalabas naman sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya na huling nakitang buhay ang biktima noong May 2 ng alas-7:45 ng gabi nang magtungo ito sa pinsan niyang kinilala lamang sa pangalan na Samuel sa lugar ng Letre para kunin ang pasalubong na mga daing na pusit.
Masaya pa umanong nagpaalam ang biktima sa kanyang pinsan at nagsabing may dadaanan pa siyang tao na hindi nito nabanggit ang pangalan hanggang sa madiskubre na lamang ang naaagnas nitong bangkay.
Sa kasalukuyan ay patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente at kung ano ang posibleng motibo ng pamamaslang sa biktima. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending