1,000 nasunugang pamilya nagpapasaklolo
Sumisigaw ngayon ng tulong mula sa lokal na pamahalaan at anumang ahensya ng pamahalaan ang mahigit sa 1,000 pamilyang nasunugan sa Gozon compound, Barangay Tonsuya, Malabon bunga ng hirap at kawalang pag-asang maipatayo ang kanilang nawalang tahanan.
Ayon sa mga residente, nangangamba sila sa maaring kahinatnan ng kanilang pamilya lalo na ang kanilang mga maliliit na anak kung hindi sila matutulungan ng pamahalaan kahit ang pagpapatayo man lamang ng maliit na barong-barong na masisilungan.
Partikular na hinihingi ng mga residente ang mga kahoy, yero, o plywood na maaring magamit nila para masimulan kahit papaano ang pagtatayo ng kanilang mga nawalang bahay.
Sinabi ng mga residente na, bagaman nangangailangan sila ng pagkain, mas mahalaga para sa kanila ang makapagpatayo ng munting bahay dahil mas kailangan ito ng kanilang mga anak na maaring dapuan ng sakit sa kasalukuyang tinutuluyan.
Sa kasalukuyan, ilang mga residente ang nagtayo ng mumunting kubol sa kalsada ng Letre habang ang ilang pamilya ay nagsisiksikan sa covered court ng Brgy Tonsuya sa nasabing lungsod.
Magugunitang kamakalawa ng ala 1 ng hapon ay nilamon ng apoy ang kabahayan ng nasabing pamilya matapos na sumiklab umano ang napabayaang kalan mula sa tahanan ng isang Hugo Liberal.
Isang 18 anyos na si Arnel Javier ang iniulat na nasawi matapos na makuryente nang tangkain nitong putulin ang mga kable ng kuryente kasunod ang malakas na pagbuhos ng ulan.
Matapos ang halos apat na oras, naideklarang fire out ang sunog sa tulong na rin ng malakas na pagbuhos ng ulan. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending