Testigo sa Comelec exec slay umaatras

Balak nang umatras ng isang babaeng testigo sa pagpatay kay dating Commission on Elections Legal Chief Alioden Dalaig dahil sa umano’y mahinang pro­teksiyon na ibinibigay ng Manila  Police District.

Sinabi ng testigo na itinago sa pa­ngalang “Marissa” sa isang television network na malaki ang banta sa kanyang buhay at sa kanyang pamilya simula nang maging testigo sa krimen.

Gayunman, hindi naman umano niya bina­bawi ang kanyang mga testimonya laban sa suspek na pumatay kay Dalaig.

Una nang iprinisinta ng pamunuan ng MPD ang suspek na si PO1 Basser Am­pa­tuan na nakatalaga sa Shariff Kabun­suan provincial police at siya umanong gunman ni Dalaig.

Sinabi rin ng pulisya na tatlong testigo ang kanilang hawak na magpapa­tunay na si Ampatuan ang pumatay kay Dalaig.

Samantala, aminado naman si MPD-Homicide Division C/Insp. Dominador Arevalo  na walang  sapat na tauhan ang MPD para mabigyan ng mahigpit na segu­ridad si Marissa.

Ikinagulat naman nito ang nasabing balita  dahil katatapos lamang nilang mag-usap ni Marissa ilang araw lamang ang naka­­karaan at wala naman itong nabanggit sa pagbibitiw bilang witness.

Ikinatwiran naman ni Arevalo na posib­leng dinamdam ni Marissa ang hindi pag-aapruba ng Department of Justice-Witness Protection Program (WPP) sa aplikasyon na makapasok siya dito.

Show comments