Isang 62-anyos na lola ang kagyat na binawian ng buhay matapos mabagsakan ng pader ng isang gusali na inaayos sa tapat ng kanilang bahay sa Sta. Cruz, Manila kahapon ng umaga.
Dead-on-arrival sa Chinese General Hospital ang biktimang si Sofia Sarmiento, may-asawa, ng #2330 F. Ipil St., Old Antipolo Sta. Cruz, Maynila.
Isasailalim naman sa imbestigasyon si Robert Morco, kapitbahay ng biktima, kung may pananagutan ito sa pagkamatay ng biktima.
Sa report ni Det. Steve Casimiro ng Manila Polcie District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-9:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa harapan ng bahay ng biktima.
Nabatid na naghihiwa ng sibuyas ang biktima para ihanda ang iluluto sa pananghalian nang biglang lumagapak sa kanyang ulo ang dalawang tipak ng semento mula sa ika-4 na palapag ng bahay ni Morco na kasalukuyang nasa renovation.
Wala nang nagawa ang mga doktor nang isugod ni Ronaldo, anak ng biktima, ang ina dahil hindi na umano ito humihinga. (Ludy Bermudo)