Petisyon para sa habeas corpus ni Ampatuan, ibinasura ng  korte

Ibinasura ng korte ang petition for habeas corpus na iniharap ni Nurhida Ampatuan.  asawa ng murder suspect na si PO1 Basser Ampatuan na sinasabing suspect sa pagpas­lang sa dalawang  opisyal ng Commission on Elections (Comelec).

Ayon kay Judge Virgilio Macaraig ng  Manila Regional Trial Court Branch 37, wala umano silang   kapangyarihan na palayain si Ampatuan  habang nasa restrictive custody ito ng Philip­pine National Police (PNP). Dahil dito sinabi naman ni  Atty. Roberto Awid,  legal counsel  ni Ampatuan magsusumite sila ng motion for reconsideration ukol dito bukas araw ng Lunes.

Si Ampatuan ang itinuturong  bumaril at  pumatay kina Atty. Aleoden Dalaig noong naka­r­aang taon at Atty. Wynne Asdala noong Marso. Ang dalawa ay kapwa naging chief ng legal department ng Comelec.

Una nang sinabi ni Awid na inutos na ni Manila Prosecutors chief Joe Lopez ang  pag­pa­­palaya kay Ampatuan upang maimbesti­ga­han pang mabuti ang kaso, subalit hanggang sa ngayon ay nakakulong pa rin sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang kanyang kliyente. Si PO1 Ampatuan, 36, na miyembro ng Shariff Kabunsuan Provincial Police Office sa Sultan Kudarat, Autonomous Region in Muslim Mindanao(ARMM) ay inaresto noong Abril 14, 2008 matapos na akusahang sangkot sa pag­paslang sa mga Comelec officials.

Kabilang sa mga respondent sa petisyon ay sina Police Director General Avelino Razon Jr., PNP chief; Director Geary Barias, National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief; Senior Superintendent Co Yee M. Co, Jr.,   group director ng Regional Headquarters Sup­port Group (RHSG), NCRPO, at camp com­mander ng Camp Bagong Diwa  at Police Chief Inspector Agapito Quimson, chief of the opera­tions at jail warden ng RHSG, NCRPO, sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig.

Ayon pa sa petisyon, ang pag-aresto kay PO1 Ampatuan ay maituturing na  illegal dahil ginawa ng walang kaukulang warrant of arrest. (Doris Franche)

Show comments