Petisyon para sa habeas corpus ni Ampatuan, ibinasura ng korte
Ibinasura ng korte ang petition for habeas corpus na iniharap ni Nurhida Ampatuan. asawa ng murder suspect na si PO1 Basser Ampatuan na sinasabing suspect sa pagpaslang sa dalawang opisyal ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Judge Virgilio Macaraig ng Manila Regional Trial Court Branch 37, wala umano silang kapangyarihan na palayain si Ampatuan habang nasa restrictive custody ito ng Philippine National Police (PNP). Dahil dito sinabi naman ni Atty. Roberto Awid, legal counsel ni Ampatuan magsusumite sila ng motion for reconsideration ukol dito bukas araw ng Lunes.
Si Ampatuan ang itinuturong bumaril at pumatay kina Atty. Aleoden Dalaig noong nakaraang taon at Atty. Wynne Asdala noong Marso. Ang dalawa ay kapwa naging chief ng legal department ng Comelec.
Una nang sinabi ni Awid na inutos na ni Manila Prosecutors chief Joe Lopez ang pagpapalaya kay Ampatuan upang maimbestigahan pang mabuti ang kaso, subalit hanggang sa ngayon ay nakakulong pa rin sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang kanyang kliyente. Si PO1 Ampatuan, 36, na miyembro ng Shariff Kabunsuan Provincial Police Office sa Sultan Kudarat, Autonomous Region in Muslim Mindanao(ARMM) ay inaresto noong Abril 14, 2008 matapos na akusahang sangkot sa pagpaslang sa mga Comelec officials.
Kabilang sa mga respondent sa petisyon ay sina Police Director General Avelino Razon Jr., PNP chief; Director Geary Barias, National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief; Senior Superintendent Co Yee M. Co, Jr., group director ng Regional Headquarters Support Group (RHSG), NCRPO, at camp commander ng Camp Bagong Diwa at Police Chief Inspector Agapito Quimson, chief of the operations at jail warden ng RHSG, NCRPO, sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig.
Ayon pa sa petisyon, ang pag-aresto kay PO1 Ampatuan ay maituturing na illegal dahil ginawa ng walang kaukulang warrant of arrest. (Doris Franche)
- Latest
- Trending