Dahil lang umano sa masamang tingin ay nakaratay ngayon sa pagamutan ang isang 20-anyos na binata makaraang gulpihin siya ng tatlong lasing na lalaki na kanyang nakasalubong kahapon ng madaling-araw sa Pasig City.
Kasalukuyang ginagamot sa Rizal Medical Center sanhi ng tinamong pasa sa mukha at katawan ang biktimang si Melvin Lopez, estudyante, at residente ng Kamagong St. Brgy. Manggahan ng nasabing lungsod, habang naaresto naman ng rumespondeng mga tanod ang mga suspek na nakilalang sina Mon Galuta 30, Eddie Fulco at Arnel Alder, pawang nakatira sa Napico St., ng nasabi ring barangay.
Sa ulat ng Pasig police, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling-araw habang naglalakad ang biktima sa kahabaan ng Napico St. pauwi sa kanilang bahay ng makasalubong ang mga suspek na pasuray-suray sa kalsada dahil sa sobrang kalasingan.
Dahil sa kilos ng mga suspek ay napatingin ang biktima sa kanila na minasama ng mga ito, sabay lapit at sinuntok sa mukha ang huli.
Tinangka pang manlaban ng biktima subalit kinuyog na siya ng mga suspek at tinigilan lang nang makita itong duguan na at halos wala nang malay dahil sa tinamong pinsala sa katawan.
Naabutan naman ang mga papatakas na mga suspek ng mga barangay tanod na tinawagan ng isang concerned citizen at inaresto ang mga ito. (Edwin Balasa)