Sorry.
Ito ang naging pahayag ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) matapos na matiyak na hindi puro holdaper ang walong nasawi sa naganap na Delpan Bridge shootout, kundi may dalawang sibilyang nadamay.
Inamin ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) na dalawang sibilyan ang nadamay lamang sa naganap na shootout.
Ayon kay MPD district director Roberto Rosales, pito lamang ang sakay ng Nissan Urvan na kinasasakyan ng mga suspek na pawang mga miyembro ng Waray-Waray gang.
Aniya, anim sa mga suspek ang idineklarang dead-on-the-spot, habang ang isa pa ay nakatakas at kasalukuyang pinaghahanap pa rin ng pulisya.
Namatay naman bago pa idating sa Gat Andres Bonifacio Hospital si Rolando Natividad, Operations Manager ng Asia Brewery at driver nitong si Victor Constantino, 30, ng 355 Cavite St., Gagalangin, Tondo, Manila sanhi ng tama ng bala sa katawan na ayon pa sa pulisya, dahil sa sobrang kalituhan ay napabilang ang mga ito sa mga suspek.
Humingi naman ng dispensa si Rosales sa pamilya ng dalawang biktima at nangakong handang magbigay ng tulong sa abot ng makakaya ng pulisya. Kinilala na rin ang dalawa sa napatay na suspek at umano’y miyembro ng Waray-Waray gang na sina Romeo Luciano, na sinasabing lider ng grupo at dating miyembro ng Philippine Army at Rudy Sengki, tinatayang 30-35 anyos, may taas na 5’4’’, naka-short pants at puting t-shirt.
Apat pa sa mga suspek ang hindi pa nakikilala at wala pang umaangking kamag-anak sa mga ito.
Samantala, nilinaw naman ni Supt. Jose Mario Espino, hepe ng MPD-Station 2 (Tondo) na kaya nadamay sina Natividad at Constantino sa naganap na shootout ay dahil sa umano’y inagaw ng mga suspek ang puting Isuzu Fuego (WJY 692) na sinasakyan ng dalawa.
Una nang sinita ng mga kagawad ng MPD ang sinasakyan ng mga suspek na isang maroon na Nissan Urvan (ZEY 692) habang papaakyat sa Del Pan bridge dakong ala-1:30 ng hapon subalit sa halip na tumigil ay pinasibad ang kanilang sasakyan na rumampa sa center island dahilan upang paputukan ng pulisya ang mga ito.
Ilan sa mga suspek ang tinangkang agawin ang sinasakyan ni Natividad na nagresulta sa pagkakadamay nito at kanyang driver. Dahil dito, pinaiimbestigahan ni NCRPO director Geary Barias ang pagkamatay ng dalawang sibilyan.