Isang Taiwanese national na miyembro ng isang big-time ATM/credit card fraudster at drug trafficking syndicates ang naaresto ng mga awtoridad kasunod ng pagkakasamsam ng bultu-bulto ng mga pekeng ATM/credit cards at P350 milyong halaga ng drogang ketamine sa isinagawang operasyon sa Parañaque City.
Sa ginanap na press briefing sa Camp Crame, iprinisinta ng mga opisyal sa pangunguna ni PNP Chief Director General Avelino Razon Jr. ang suspek na si Chin Chien Yang alyas Jeff Yang.
Ayon kay Razon, si Yang ay nasakote kamakalawa dakong alas-4:30 ng hapon sa 19-B Humility St., Multi-National Village, Parañaque City.
Ang raid ay isinagawa ng pinagsanib na elemento ng PNP-Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Force at Metro Manila Regional Office- Philippine Drug Enforcement Agency matapos ang masusing surveillance operations sa illegal na aktibidades ng suspek.
Nabatid na ang suspek ay kabilang sa nasa watchlist ng PNP-AID-SOTF Oplan ‘Treadstone’ o ang pinalakas na kampanya upang lansagin ang mga transnational drug syndicates na sangkot sa pagmamanupaktura at pagbebenta ng illegal na droga sa bansa.Ang sindikato ng suspek ay nagsimulang kumilos sa Pilipinas simula pa noong 2006.
Nasamsam mula sa pag-iingat nito ang limang malalaking transparent bags na naglalaman ng drogang ketamine na aabot sa 70 kilo na may katumbas na halagang P350 milyon.
Ang ketamine ay isang uri ng droga na ginagamit na pampalakas sa pangarerang kabayo na masama ang epekto kapag ininom ng tao.
Sinabi ni Razon na bukod sa 70 kilo ng droga ay nakumpiska rin mula sa suspek ang dalawang duplicating machines, isang card printer, isang card reader, isang lamination machine, apat na kahon ng duplication ink, 210 piraso ng ’di pa nagagamit na credit cards, 410 piraso ng gamit nang credit cards, pitong pekeng ID’s at iba pa na ginagamit sa pagdu-duplika at pagmamanupaktura ng mga pekeng ATM, credit cards at maging mga passports.